Biyernes, ika-8 ng Hulyo, 2016—Nakipagtagpo sa Beijing si Yang Jiechi, Kasangguni ng Estado ng Tsina, kay dumadalaw na Ban Ki-moon, Pangkalahatang Kalihim ng United Nations (UN).
Binigyan ng mataas na pagtasa ni Yang ang mahalagang papel ng UN para sa pagpapasulong sa kapayapaan at kaunlaran ng daigdig. Aniya, iniharap ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang pagtatatag ng bagong relasyong pandaigdig na ang nukleo nito ay kooperasyon at win-win situation, at paglikha ng Community of Common Destiny ng sangkatauhan. Sa ilalim ng patnubay ng nasabing mahalagang kaisipang diplomatiko, mas aktibo aniyang sasali ang Tsina sa mga gawain ng UN sa iba't ibang larangan, at mas mabuting mangangalaga at magpapasulong sa kabiyayaan ng sangkatauhan.
Ipinahayag naman ni Ban na nagpatingkad ang Tsina ng namumunong papel sa iba't ibang larangan ng UN na gaya ng aksyong pamayapa, sustenableng pag-unlad, pagharap sa pagbabago ng klima, pagpigil sa nakahahawang sakit, at iba pa. Nakahanda aniya ang UN, kasama ng Tsina, na ibayo pang palakasin ang kooperasyon, para harapin ang iba't ibang uri ng hamon.
Salin: Vera