|
||||||||
|
||
NAGKAKAISANG sinabi ng mga panauhin sa katatapos na "Tapatan sa Aristocrat" na isang salot sa lipunan ang paglaganap ng droga.
MGA PUSAKAL NA DRUG LORD, NAKALULUSOT. Sinabi ni General Dionisio Santiago, (dulong kanan) dating director general ng Phil Drug Enforcement Agency at director ng Bureau of Corrections na ang karamihan sa mga bigtime drug personalities ay nadakip na at nalitis. Nagkakataon lamang na nakakalusot dahil sa mga tiwaling taga-usig at mga hukom. (Melo M. Acuna)
Sinabi ni General Dionisio Santiago, dating Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines, Director ng Bureau of Corrections at naging director-general ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), na ang mga taong kanilang nadakip noon at napawalang-sala sa 'di pa rin malamang dahilan.
Ipinaliwanag niyang kahit magagaling ang kanilang mga abogado ay mayroong nalalabing mga tiwaling alagad ng hudikatura. Binanggit niya ang ilang mga kontrobersyal na usaping nauwi sa pagpapakawalang-sala sa mga akusado sapagkat magagaling at mga de kampanilla ang kanilang mga abogado. Mayroon din namang mga tiwaling taga-usig at maging mga huwes.
MAS MAHALAGA ANG PREVENTIVE STEPS. Ito ang sinabi ni Dr. Venancio Vicente, director ng National Center for Mental Health sa idinaos na "Tapatan sa Aristocrat" kaninang umaga. Higit na makatitipid ang pamilya at pamahalaan kung maiiwasan ng mga kabataang malulong sa illegal drugs, dagdag pa ni Dr. Vicente. (Melo M. Acuna)
Para kay Dr. Venancio Vicente, Director ng National Center for Mental Health, malaking bagay ang pagtugon sa pangangailangan sa rehabilitasyon sapagkat may pag-asa pa rin naman ang mga taong nalulong sa bawal na gamot. Sa Pilipinas ay mayroong higit sa 2,500 mga rehabilitation centers at pinatatakbo ng pamahalaan at nasa mga pribadong pook na pinagpapagalingan ng mga taong nalulong sa droga at alak.
Ipinaliwanag naman ni G. Max Edralin, Jr., ang isa sa mga konsultant ni Governor Amando Tetangco, Jr., ng Bangko Sentral ng Pilipinas na malaki ang papel ng mga bangko sa pagtupad sa pagbabantay ng money-laundering activities sapagkat malaking salapi ang nakakamtan sa negosyo ng illegal drugs.
Isang problema nga lamang ang kakulangan ng pagbabantay ng mga bangko sa kani-kanilang kliyente at sa lawak at laki ng kanilang mga transaksyon. Sa oras na humigit sa P 500,000 ang salaping ipapasok sa bangko, kailangan nilang magpaliwanag.
NANLABAN ANG MGA PUSHER. Ipinaliwanag ni Chief Inspector Kim Molitas, tagapagsalita ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na iningatan nila ang buhay ng mga suspect sa droga. nagkakataon nga lamang na karamihan sa kanila ay nanglaban sa mga autoridad kaya't napipilitang gumamit din ng puwersa na nauuwi sa pagkamatay ng drug pushers. (Melo M. Acuna)
Para kay Chief Inspector Kim Molitas, tagapagsalita ng National Capital Region Police Office, tuloy ang kanilang kampanya laban sa droga. Hindi pa man nauupo si pangulo si G. Rodrigo Duterte ay marami na ring nadakip at sumuko sa mga autoridad.
Sa Metro Manila, mula sa 1,706 na barangay, 92% ang apektado ng droga. Sa nakalipas na limang araw, umabot na sa 2,691 na drug pusher ang sumuko. Ang mga sumuko ay kinapanayam na ng mga autoridad at nabatid kung saan na sila kumukuha ng kanilang ipinagbibiling droga.
Sa isyu ng mga napapaslang, likas umanong nanglaban ang mga drug pusher kaya't napilitang magtanggol ng kanilang sarili ang mga pulis.
MGA ARTISTA, NAGUGUMON DIN SA BAWAL NA GAMOT. Sinabi ni Rez Cortez, pangulo ng Actors Guild of the Philippines, na may mga artistang nagugumon sa illegal drugs dahil sa mga kabarkada. Inamin niya na minsan na siyang nalulong sa paghithit ng marijuana subalit napaglabanan niya ito. Idinagdag niyang bukod sa medical dimension, mahalaga rin ang spiritual dimension sa pag-iwas sa mga nakasasama sa katawan tulad ng illegal drugs. (Melo M. Acuna)
Ipinaliwanag naman ni Rex Cortez, pangulo ng Actors Guild of the Philippines, may mga artistang nagugumon sa droga dahil sa alok at paanyaya ng mga kabigan o "peer pressure."
Inamin ni G. Cortes na nalulong siya sa marijuana noong kabataan niya at nagpapasalamat siya sa Diyos na nakaya niyang talikdan ang masamang gawain tulad ng paghithit ng marijuana.
Sa panig ni General Santiago, hindi siya kumbinsido sa pagkakaroon ng mga manggagawang nasa ibang bansa. Kahit pa umano malaki ang ambag sa ekonomiya at sa pamilya, napapabayaan naman ang kanilang mga anak kaya't nalululong sa masamang gawi, ang paggamit ng bawal na gamot.
Ipinaliwanag pa ni General Santiago, na narito na nga ang mga magulang sa Pilipinas, may nakalulusot pang mga nagiging drug addict.
Kailangan lamang na tanggapin ng mga magulang ang responsibilidad sa kanilang mga supling.
Binalikan ni Dr. Vicente ang kahalagahan ng preventive aspect ng drug addition, ang pagbabantay ng mga magulang sa kanilang mga supling at ang pagiging mabubuting halimbawa hindi lamang sa mga anak kungdi sa komunidad.
Para kay General Santiago, hindi na kailangan pang magkroon ng isang malaking kagawaran tulad ng sinasabi ni Senador Tito Sotto sapagkat maganda na ang mga batas sa Pilipinas at ang kulang lamang ay ang pagpapatupad ng nilalaman ng mga ito.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |