Kinumpirma Martes, Hulyo 20, 2016 ni Lu Kang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina ang di-opisyal na pagtatagpo sa pagitan ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina at kanyang counterpart na Pilipino na si Perfecto Yasay Jr. sa sidelines ng Asia-Europe Meeting (ASEM).
Ayon kay Lu, sa nasabing pagtatagpo, inulit ni Wang ang paninindigan ng pamahalaang Tsino na nakahanda ang Tsina na makipagtulungan sa pamahalaang Pilipino kung ang huli ay may hangaring panumbalikin ang diyalogo at pagsasanggunian, pangasiwaan ang alitan at pabutihin ang bilateral na ugnayang Pilipino-Tsino.
Ipinagdiinan din ni Wang na ang pagpapanumbalik ng mga pamahalaang Tsino at Pilipino sa relasyon ng dalawang bansa sa landas ng diyalogo at konsultasyon ay maaangkop sa pundamental na interes ng mga mamamayan ng dalawang bansa.
Winika ito ni Lu dahil si Foreign Secretary Yasay ay naiulat na nagbigay ng pahayag hinggil sa di-pormal na pagpupulong nila ni Wang.
Salin: Jade
Pulido: Mac