Sa pagtataguyod ng China Law Society, Chinese Society of International Law, at Chinese Society of the Law of the Sea, idinaos ngayong araw, Huwebes, ika-21 ng Hulyo 2016, sa Beijing ang talakayan ng mga dalubhasang pambatas hinggil sa South China Sea arbitration.
Kalahok sa talakayan ang mahigit 60 dalubhasang Tsino sa the Law of the Sea at pandaigdig na batas. Mula sa aspekto ng batas, inilahad nila ang palagay hinggil sa desisyon ng arbitral tribunal sa naturang arbitrasyon.
Sinabi ni Chen Jiping, Pangalawang Puno ng China Law Society, na sa arbitrasyong ito, may depekto ang arbitral tribunal sa pagtiyak ng hurisdiksyon, pagdinig sa mga aytem ng arbitrasyon, at paggamit ng mga artikulo ng batas. Pagdating naman sa pagbibigay ng desisyon, ani Chen, binale-wala ng arbitral tribunal ang mga katotohanang pangkasaysayan, pinawalang-bahala ang prinsipyo ng pagiging obhektibo at makatarungan, at pinilipit ang mga tuntuning pandaigdig.
Dagdag ni Chen, ang ganitong aksyon ng arbitral tribunal ay nakakapinsala sa soberanya sa teritoryo at mga karapatan at kapakanang pandagat ng Tsina, at yumuyurak din sa "rule of law," at pandaigdig na katarungan. Ito aniya ay dahilan kung bakit hindi kinikilala at tinutupad ng Tsina ang desisyon ng arbitrasyon.
Salin: Liu Kai