Nagtagpo Biyernes, Setyembre 2, 2016, sa Hangzhou sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Punong Ministro Lee Hsien Loong ng Singapore.
Kaugnay ng relasyon ng dalawang bansa, sinabi ni Xi na dapat itakda ng Tsina at Singapore ang mainam na roadmap ng pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa sa hinaharap para panatilihin ang pagpapalagayan sa mataas na antas, palalimin ang pag-uugnayan at igalang ang kani-kanilang nukleong kapakanan at mga mahalagang pinapansing isyu.
Sinabi rin ni Xi na pinahahalagahan ng Tsina ang aktibong hangarin ng Singapore para mapasulong ang "Belt and Road" Initiative. Umaasa aniya siyang palalalimin ng dalawang bansa ang kooperasyon sa mga larangan na gaya ng pinansiya, Internet, teknolohiya ng komunikasyon, pangangasiwa sa mga isyung panlipunan, paglaban sa terorismo at pagpawi sa korupsyon.
Sinabi naman ni Lee na maalwan ang pag-unlad ng relasyon ng Singapore at Tsina. Umaasa aniya siyang sa ilalim ng balangkas ng "Belt and Road" Initiative, palalawakin ang kooperasyon ng dalawang bansa sa abiyasyon, pinansiya, at connectivity.
Si Lee ay inimbitahan ng Tsina para dumalo sa G20 Summit na idaraos sa Hangzhou ng Tsina mula ika-4 hanggang ika-5 ng Setyembre.