|
||||||||
|
||
Binuksan ngayong araw, Linggo, ika-11 ng Setyembre 2016, sa Nanning, Tsina, ang Ika-13 China-ASEAN Expo (CAEXPO) at China-ASEAN Business and Investment Summit (CABIS).
Dumalo sa seremonya ng pagbubukas si Pangalawang Premyer Zhang Gaoli ng Tsina, at mga lider ng ilang bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), na kinabibilangan ng Punong Ministro Nguyen Xuan Phuc ng Biyetnam, Punong Ministro Hun Sen ng Kambodya, Pangalawang Pangulong Myint Swe ng Myanmar, Pangalawang Punong Ministro Sonexay Siphandone ng Laos, at Pangalawang Punong Ministro Prajin Juntong ng Thailand. Dumalo rin dito si Pangkalahatang Kalihim Le Luong Minh ng ASEAN, at mga mataas na opisyal mula sa iba't ibang bansang ASEAN.
Sa kanyang talumpati sa seremonya ng pagbubukas, sinabi ni Pangalawang Premyer Zhang Gaoli ng Tsina, na ang 21st Century Maritime Silk Road ay nagkakaloob ng maraming bagong pagkakataon sa kooperasyong Sino-ASEAN sa mas malawak na larangan, mas mataas na lebel, at mas malalim na antas. Iniharap niyang dapat palakasin ng Tsina at ASEAN ang kooperasyon sa 6 na aspekto, na gaya ng pag-uugnayan ng mga estratehiyang pangkaunlaran, kooperasyon sa kakayahang produktibo, kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan, inter-connectivity, kooperasyong pinansyal, at pagpapalitan ng mga mamamayan.
Bilang country of honor ng kasalukuyang CAEXPO, ipinahayag naman ni Punong Ministro Nguyen Xuan Phuc ng Biyetnam, na pinatingkad ng CAEXPO at CABIS ang mahalagang papel para sa pagpapalalim ng estratehiko at kooperatibong partnership ng ASEAN at Tsina. Aniya pa, ang palaki nang palaking saklaw ng CAEXPO ay palatandaan sa kompiyansa ng mga bansang ASEAN sa prospek ng kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan sa rehiyong ito.
Tumatagal nang 4 na araw ang Ika-13 CAEXPO. Kalahok dito ang 1020 dayuhang eksibitor, at ang bilang na ito ay lumaki ng 14.4% kumpara sa noong isang taon. Sa panahon ng ekspo, idaraos din ang 34 na mataas na pulong at porum, hinggil sa kooperasyong Sino-ASEAN sa mga aspekto ng industriya, impormasyon, E-commerce, quality inspection, satellite navigation, agrikultura, edukasyon, kalusugan, pagbabawas ng kahirapan, at iba pa.
Salin: Liu Kai
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |