Nakipagtagpo kahapon, Sabado, ika-10 ng Setyembre 2016, sa Beijing, si Pangalawang Ministrong Panlabas Zhang Yesui ng Tsina, kay Embahador Chi Jae Ryong ng Hilagang Korea sa Tsina. Ipinahayag ni Zhang ang paninindigan ng panig Tsino sa muling pagsasagawa ng H.Korea ng nuclear test.
Sinabi niyang, ang matatag at konsistenteng paninindigan ng Tsina ay pagsasakatuparan ng walang-nuklear na Korean Peninsula, pangangalaga sa kapayapaan at katatagan, at paglutas sa mga isyu sa peninsula sa pamamagitan ng diyalogo at pagsasanggunian.
Ani Zhang, ang pagdedebelop ng H.Korea ng sandatang nuklear at paulit-ulit na pagsasagawa ng nuclear test ay salungat sa pananabik ng komunidad ng daigdig. Ito rin aniya ay magpapalala ng tensyon sa Korean Peninsula, at hindi makakabuti sa kapayapaan at katatagan nito.
Dagdag niya, hinihimok ng Tsina ang H.Korea na huwag magsagawa ng ganitong aksyon, at bumalik, sa lalong madaling panahon, sa tumpak na direksyon upang makamit ang walang-nuklear na Korean Peninsula.
Salin: Liu Kai