NANAWAGAN ang Catholic Bishops Conference of the Philippines sa mga mamababatas at sa mga mamamayan na tutulan ang mga panukalang nagsasabing ibalik na ang parusang kamatayan sapagkat ito ay taliwas sa dignidad ng tao.
Sinabi ni CBCP President at Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates B. Villegas na mayroong magkataliwas na situwasyon sa pagitan ng parusang kamatayan at itinatadhana ng Saligang Batas na nagbabawal sa malupit at 'di pangkaraniwang parusa.
Sa mga nakalipas na daang taon, tinanggap ang parusang kamatayan kahit ng simbahan. Subalit sa pagunawa, nabatid na upang higit na makatao ang pag-uugali ayon sa dignidad na ipinataw sa tao, yayabong ang moral sense.
Ito ang napapaloob sa ethical guideline na ipinalabas kanina. Ang pagbabalik ng parusang kamatayan ang isa sa mga prayoridad ni Pangulong Rodrigo Duterte.