Matagumpay na inilunsad kagabi, Huwebes, ika-15 ng Setyembre 2016, sa Jiuquan satellite launch center sa hilagang kanlurang Tsina, ang Tiangong-2 space lab. Ito ang kauna-unahang tunay na space lab ng Tsina.
Ang misyon ng Tiangong-2 ay bahagi ng space program ng Tsina hinggil sa pagtatayo ng isang permanenteng manned space station hanggang sa taong 2022.
Sa kalawakan, idadaong sa Tiangong-2 ang Shenzhou-11 manned spaceship na may lulang dalawang astronaut at nakatakdang ilunsad sa susunod na buwan. Mananatili ang dalawang astronaut sa Tiangong-2 sa loob ng 30 araw, at gagawa ng mga eksperimento. Idadaong din sa Tiangong-2 ang isang cargo spacecraft na nakatakdang ilunsad sa susunod na taon, para sa pagdaragdag ng fuel. Susubukin din sa Tiangong-2 ang mga masusing teknik ng pagtatayo at pagpapatakbo ng space station.
Salin: Liu Kai