BABAWIIN ng pamahalaan ni Pangulong Duterte ang warrant of arrest laban kay Moro National Liberation Front founding chairman Nur Misuari bilang bahagi ng pagtatangka ng pamahalaang ituloy ang usapang pangkapayapaan sa mga rebeldeng Muslim.
Sinabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na nakausap na niya si Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza.
Ani Secretary Aguirre, bahagi ito ng peace talks at walang anumang problema sa mga MNLF.
Si Misuari at ang kanyang mga kasama at daan-daang iba pa ang kinasuhan ng rebelyon at paglabag sa Republic Act 9851 o Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity sa pagsalakay nila sa Zamboanga City noong ika-siyam ng Setyembre 2013.
Ipinarating na ang usapin sa Zamboanga Regional Trial Court subalit inilipat sa Pasig Regional Trial Court sa kautusan ng Korte Suprema dahilan sa isyu ng seguridad.