|
||||||||
|
||
HALOS wala ng pag-asa ang mga mangangalakal sa problemang dulot ng traffic sa Metro Manila. Ni hindi na nila madisiplina ang kanilang mga kawani sapagkat hindi maayos ang daloy ng mga sasakyan sa kalakhang Maynila.
Ito ang sinabi ni G. Donald Dee, pangulo ng Employers Confederation of the Philippines na ang kailangan ay mayroon sa pamahalaang magsasabi ng mga programang ipatutupad at kanilang susuportahan.
Ayon naman kay G. Robert Nacianceno, dating General Manager ng Metro Manila Development Authority, kailangang magtulungan ang iba't ibang sektor ng lipunan upang malutas ang problemang kinakaharap ng mga mamamayan.
Isang nakikitang paraan ay ang pagluluwag sa mga lansangan at alisin ang mga sumasagka sa maayos na daloy ng mga sasakyan. Kailangang mawala ang mga nakaparadang sasakyang 'di na nagagamit. Kailangan ding mawala ang mga walang karapatang gumamit ng lansangan at malinis na ang mga sidewalk upang daanan ng mga mamamayan.
Sa idinaos na Wednesday Roundtable @ Lido kanina, sinabi ni G. (Donald) Dee na kung kakailanganin ang emergency powers ni Pangulong Duterte upang malutas ang matinding trapiko sa Metro Manila ay susuportahan nila. Mahalaga lamang na masabihan sila kung anong partikular na programa ang ipatutupad.
Bagama't hindi makwenta ni G. Dee ang nawawala sa kalakal at ekonomiya, sinabi niyang malaki ang epekto sa productivity ng mga manggagawa sapagkat hirap silang makasakay tungo sa kanilang pinaglilingkuran.
Ipinaliwanag niyang kahit siyang nakasakay na sa kanyang kotse ay hirap sa trapiko, lalong mahirap ang tayo ng mga karaniwang sumasakay sa Light Rail Transit at Metro Rail.
Naniniwala naman si G. Nacianceno na mahalagang pagtuunan ng pansin ang pagbibilang sa mga bus na hindi naman napupuno upang maibsan ang mabagal na traffic partikular sa EDSA o Epifanio delos Santos Avenue. Kailangan ding madagdagan ang mga tulay sa Pasig River upang mabawasan ang mga sasakyang dumaraan sa EdSA.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |