|
||||||||
|
||
SUSULATAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang United Nations at European Union sa Pilipinas upang siyasatin ang sinasabing extrajudicial killings sa bansa.
Sa isang talumpati sa pagpapasinaya ng isang power plant sa Misamis Oriental kanina, pinuna na naman ni Pangulong Duterte ang mga banyagang bumabanat sa kanya.
Pormal na sinabi ni Pangulong Duterte na aanyayahan niya sa Secretary General Ban Ki Moon at ang mga kinatawan ng European Union at dalhin na rin ang pinakamagagaling na abogado upang magsiyasat sa mga nagaganap sa Pilipinas.
Subalit sa pagkilala sa karapatang mapakinggan, matapos ang pagtatanong sa kanya, nais niyang mabigyan siya ng pagkakataong magtanong. Magkakaroon ng open forum na maaaring gawin sa Senado o sa Folk Arts Theater at lahat ay aanyayahan. Ilalampaso umano niya ang mga taga-United Nations at European Union.
Kapwa nagpahayag ng kanilang pagkabahala ang United Nations at European Union sa mga nagaganap sa Pilipinas mula ng maluklok sa opisina noong ika-30 ng Hunyo si G. Duterte.
Nangako si Pangulong Duterte na susugpuin ang krimen, droga at katiwalian sa ilalim ng kanyang liderato.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |