HINDI TOTOO ANG SINABI NI SENADOR DE LIMA. Ito ang sinabi ni Marine Lt. Col. Ferdinand Marcelino, isang dating tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency na kinasuhan noon. Sa isang press conference kagabi, sinabi ni Col. Marcelino na pawang walang katotohanan ang inihayag ni Senador de Lima na may nanggigipit sa kanya upang tumestigo laban sa mambabatas na isinasangkot sa pagkalat ng ilegal na droga sa National Bilibid Prison sa Muntinlupa City. Na sa gawing kanan si Chief Public Attorney Persida V. Rueda Acosta at Atty. Howard Areza, ang acting deputy chief ng PAO. (Melo M. Acuna)
WALANG katotohanan ang pahayag ni Senador Leila de Lima na may nanggigipit sa kanya upang tumestigo laban sa dating kalihim ng Kagawaran ng Katarungan.
Sa isang press briefing ni Marine Lt. Col. Ferdinand Marcelino, sinabi niyang pinalalabas ni Senador de Lima na magkaibigan sila noon pang mga nakalipas na panahon.
Idinagdag pa ni Col. Marcelino na Kung talagang magkaibigan sila ng mambabatas ngayon hindi na sana siya nagtagal sa loob ng piitan. Umabot siya ng anim na buwan sa loob ng piitan matapos madakip sa isang anti-drug operation sa Maynila.