Lima, Peru — Ipininid nitong Linggo ng hapon, Nobyembre 20, 2016 (local time), ang Ika-24 na Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Economic Leaders' Meeting. Makaraang malalimang magpalitan ng kuru-kuro ang mga lider ng 21 ekonomiya ng APEC tungkol sa mga isyung tulad ng integrasyon ng kabuhayang panrehiyon, Free Trade Area of the Asia-Pacific (FTAAP), konektibidad, at kooperasyon sa industriyang panserbisyo, napagtibay ang "Lima Declaration" kung saan nabigyang-direksyon ang pag-unlad ng rehiyong Asya-Pasipiko sa susunod na yugto.
Sa seremonya ng pagbubukas, ipinahayag ni Pangulong Pedro Pablo Kuczynski ng Peru, na ito ay isang mabungang pagtitipon kung saan ang iba't-ibang panig ay nagkaroon ng mainam na pagkakasundo.
Lubos ding pinapurihan ni Kuczynski ang ginagawang mahalagang papel ng Tsina sa pagpapasulong sa proseso ng konstruksyon ng FTAAP.
Ipinahayag naman ni Tan Jian, Pangalawang Puno ng Departamento ng Kabuhayang Pandaigdig ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang pagdalo ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa nasabing pulong ay lubusang nagpapakita ng pagpapahalaga ng bansa sa kooperasyong Asya-Pasipiko. Ipinalalagay niyang natamo ng pulong ang kapansin-pansing bunga sa tatlong aspekto. Kabilang sa mga ito ay una, pagtiyak sa pangkalahatang direksyon ng pagtatatag ng bukas na ekonomiya, at pagpapabilis ng konstruksyon ng FTAAP; ikalawa, puspusang pagsisikap para matagpuan ang bagong puwersang tagapagpasulong sa paglaki ng kabuhayan, at pagpapatibay ng papel ng rehiyong Asya-Pasipiko bilang "makina" sa paglaki ng kabuhayang pandaigdig; ikatlo, pagpapasulong ng pagtatatag ng mas mahigpit na partnership, at pagpaplano ng prospek at direksyon ng kooperasyong panrehiyon ng Asya-Pasipiko.
Salin: Li Feng