SINABI ni Pangulong Rodrigo Duterte na tagumpay ang kanyang paglahok at pagdalo sa katatapos na Asia Pacific Economic Cooperation Summit sa Lima, Peru.
Pinagbalik-aralan umano ng economic leaders ang progresong nakamtan ng APEC ayon sa mga layunin nito. Sa kanyang arrival statement kagabi sa Davao City, sinabi niya na upang umunlad ang kalakalan at umunlad ang bansa, kailangan ang free trade na mapakikinabangan hindi lamang ng mga malalaking kalakal.
Posisyon umano ng Pilipinas na mahigitan ang free trade at pagtuunan ang economic at trade policies na mapakikinabangan ng micro, small at medium enterprises na siyang gulugod ng APEC economies.
Pagsisikapan ng kanyang pamahalaan na madama ng nakararami ang kaunlaran sa larangan ng ekonomiya. Marami umanong matututuhan ang Pilipinas mula sa mga bansang kabilang sa APEC tulad ng maayos na pagpapatakbo ng pondo ng Social Security System.
Sa larangan ng komunikasyon, balak nilang buksan ang information and communications technology industry sa mga bagong kumpanya upang gumanda ang kompetisyon at mapataas ang antas ng serbisyo sa madla. Kailangan umanong mabuksan ang komunikasyon, airwaves at buong energy sector.