UMAASA ang mga Koreanong mangangalakal na gagawin ng pamahalaang Filipino upang mapanagot ang mga may kagagawan ng pagdukot at pagpatay sa kanilang kababayan.
Sa isang pahayag na inilabas sa "Wednesday Roundtable @ Lido," sinabi ng Korean Chamber of Commerce Philippines na sa likod ng kanilang pagsusulong sa Pilipinas bilang isang investment hub para sa kanilang mga kababayan, sila'y nagulat at nalungkot na mabalitang isang kababayan ang naging biktima ng karumal-dumal na krimen na pinaniniwalaang kagagawan ng mga matataas na opisyal ng pulisya na nararapat magtanggol at magsulong ng kaligtasan ng bawat mamamayansa bansa.
Kinokondena ng mga negosyante ang anumang gagawing pananakit at 'di makatarungang pagtrato hindi lamang sa mga negosyanteng Koreano kungdi sa may 120,000 mga Koreanong naninirahan sa Pilipinas.
Hiniling ng Korean Chamber of Commerce sa mga autoridad na masusing siyasatin ang pangyayari at dalhin sa kinauukulan ang mga nasa likod ng krimen.
Tiniyak ng mga Koreano na kanilang isinusulong ang kabutihan ng may 50,000 mga manggagawang Filipino sa kanilang bansa at umaasa siyang gagawin ng pamahalaan ng bansa ang lahat upang maiwasang maganap na muli ang ganitong krimen laban sa kanilang mga kababayang nasa Pilipinas.