|
||||||||
|
||
HINILING ng pamahalaan ng South Korea ang paliwanag ng Pilipinas matapos mabatid na ang Koreanong negosyanteng dinukot noong Oktubre ay pinatay nga mga pulis at manghingi ng salapi sa maybahay ng biktima.
Ang pagpaslang ang pinakahuli sa mga gawaing kriminal ng mga tauhan ng Philippine National Police na kinikilalang isa sa pinakamaduming institusyon sa bansa.
Ang usaping ito ang naging dahilan na pagdudahan ang kampanya ng PNP sa pagpapatupad ng kautusan ni Pangulong Duterte na tapusin ang problema sa droga na ikinasawi na ng higit sa 6,000 katao.
Magugunitang ang biktimang kinilala sa pangalang Jee Ick-Joo, 53 taong gulang ay dinukot ng kalalakihang nagpakilalang mga pulis sa kanyang tahanan sa Angeles City sa Pampanga noong ika-18 ng Oktubre.
Pinalaya ang kasambahay subalit nanatiling nawawala si Jee kahit pa nagbayad na ng P 5 milyon ang kanyang maybahay na si Choi Krung-jin.
Nanawagan si Choi kay Pangulong Duterte at kay PNO Director General Ronald dela Rosa.
Ayon sa South Korean foreign ministry, ayon sa isang ulat ng pamahalaang Filipino, si Jee ay binigti at sinunog sa isang crematorium noong araw ding siya'y dinukot.
Ang crematorium ay pag-aari ng isang retiradong opisyal ng pulisya. Humiling ng mga tugon at paliwanag si South Korean Foreign Minister Yun Byung-se matapos makatanggap ng tawag mula kay Foreign Secretary Perfecto Yasay, Jr. upang magbalitang pinaslang nga ang foreign national.
Hiniling ng nagulat na foreign minister na papanagutin ang mga may kagagawan ng krimen. Ibinalita rin ni Secretary Yasay na ang walong suspects na kinabibilangan ng tatlong pulis ay sinisiyasat na.
Ayon kay Sr. Supt. Dionardo Carlos, tagapagsalita ng Philippine National Police, sumuko na ang isa sa mga suspect na pinaniniwalaang namuno sa krimen. Dalawang iba pa ang iniimbestigahan. Isang retiradong police officer na pinaniniwalaang sangkot sa krimen ang tumakas na patungo sa Canada.
Ang lahat ng mga akusado ay mga tauhan ng Anti-Illegal Drugs Group sa PNP Headquarters sa Quezon City.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, kasama sa imbestigasyon ang mga opisyal na nakapaligid kay General Dela Rosa.
Sa Seoul, ipinatawag na ng Foreign Ministry si Philippine Ambassador (to South Korea) Raul Hernandez kamakalawa hinggil sa kontrobersya.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |