|
||||||||
|
||
NAGSAMA-SAMA ang mga obispong Katoliko ng Pilipinas at naglabas ng pahayag sa kanilang pagkabahala sa walang humpay na pagpatay ng mga pinaghihinalaang sangkot sa droga na karamiha'y mga mahihirap.
Sa pahayag na nilagdaan ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates B. Villegas na pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines at binasa sa lahat ng simbahan sa bansa, kailangang mapigil ang paglaganap ng ilegal na droga subalit ang pagpaslang sa mga pinaghihinalaan ay maling tugon sa problema ng lipunan.
Lumala umano ang buhay ng mga mahihirap na nasangkot sa kalakal ng ilegal na droga. Marami na umanong napaslang subalit hindi lahat sa mga nasawi ay sangkot sa ilegal na kalakal at ni walang napapanagot sa mga may kagagawan.
Ang masaklap, ayon sa mga obispo, ay tila tanggap ng mga Filipino ang mga paglabag sa batas na nagaganap sa ngalan ng kampanya sa ilegal na droga. Samantalang nakikiisa sila sa karamihan ng mga mamamayang kailangan ng pagbabago, sinabi ng mga obispo na ang pagbabago ay nararapat lamang nakasalalay sa katotohanan at katarungan.
Ang buhay ay kaloob ng Diyos at tanging Diyos lamang ang makapagtatapos nito, dagdag pa ng mga obispo. May karapatan ang taong kilalaning walang kasalanan hanggang hindi napatutunayan ng sistemang legal.
Anang mga obispo, ang pagtutulak ng bawal na gamot ay kasalanan tulad rin ng pagpatay maliban na lamang sa pagtatanggol sa sarili lalo pa't hindi maitutuwid ang kamalian ng isa pang kamalian.
Sa dalawang pahinang mensahang binasa sa lahat ng simbahan sa bansa, kinabibilangan na rin ng mga kampo ng pulis at militar, sinabi ng mga obispo na ang ugat ng paglawak ng droga at kriminalidad ay dahil sa kahirapan ng nakararami, pagkapinsala ng pamilya at pagiging tiwali ng lipunan.
Upang magwagi sa kahirapan, kailangang magkaroon ng maayos na hanapbuhay ang mga mamamayan mula sa pamahalaan. Magaganap ito sa pamamagitan ng angkop na sahod at pagpapalakas ng pamilyang Filipino. Nanawagan din ang mga obispo na wakasan na ang paghahari ng mga nagungulimbat na mga alagad ng batas.
Isang dahilan pa rin ang mabagal na pagikot ng gulong ng katarungan. Nanawagan ang mga obispo sa mga mamamayan na tapusin na ang pananahimik sapagkat ang pagsasawalang-kibo ay pagsang-ayon sa mga pagpaslang na nagaganap.
Nangako ang mga obispong maninindigan kahit pa sila pahirapan ng kinauukulan. Ihahayag ng mga obispo ang mga paglabag sa batas na nagaganap sapagkat may pananagutan ang lahat sa bawat isa.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |