Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Ang malakas na lindol sa Surigao

(GMT+08:00) 2017-02-13 18:31:06       CRI

NIYANIG ng malakas na lindol ang Surigao del Norte noong Biyernes, mga ika-sampu ng gabi, na nagtaglay ng magnitude na 6.7. Tinatayang ang pinagmulan ng lindol ay may 16 kilometro sa karagatan sa hilagang kanluran ng Surigao City sa lalim na sampung kilometro. Gumalaw ang bahagi ng Surigao sa Philippine Fault. Sumunod ang mas mahinang pagyanig ng lupa na umabot na sa 154 hanggang sa oras na isinusulat ang balitang ito. Ang pinakamalakas na aftershock ay umabot sa 4.9 magnitude.

KAILANGANG PAGHANDAAN ANG MALALAKAS NA LINDOL.  Sinabi ni Dr. Renato Solidum, director ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na mahalaga ang paghahanda sa lindol.  Maraming faultlines sa Pilipinas at tanging Palawan lamang ang walang natatagpuang fault at trenches na pinagmumulan ng lindol.  (Melo M. Acuna)

Ayon kay Dr. Renato Solidum, direktor ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, sa kanyang pagdalo sa Tapatan sa Aristocrat kaninang umaga, sa kanilang panukat na kilala sa pangalang PHIVOLCS Earthquake Intensity Scale, itinaya ang lindol sa Surigao sa Intensity VII na nangangahulugang mapaminsala. Nakaramdam din ng pagyanig ng lupa ang mga bayan ng Pintuyan sa Southern Leyte, San Francisco at Malimono sa Surigao del Norte, sa Libjo at San Jose sa Dinagat Island, San Ricardo, Limasawa at San Francisco sa Southern Leyte at maging sa Mandaue City ang niyanig at nagtala ng Intensity V na nangangahulugan ng may kalakasan. Nadama rin ang lindol na may intensity IV hanggang I sa layong may 250 kilometro tulad ng Butuan City, Ormoc City, Tacloban City, Catbalogan City, Bislig City, Cebu City, Cagayan de Oro City, Dumaguete City at Tagbilaran City. May mga gusali, lansangan, tulay at paliparang napinsala sa mas malapit na pook na pinagmulan ng lindol.

Sa datos ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, niyanig na rin ng lindol ang Surigao noong unang araw ng Hulyo, 1879 sa lakas na 7.4 magnitude. Ang lindol na ito ang pinakamalakas sa bahaging ito ng bansa. Sa pagyanig ng lupa, napinsala ang mga simbahan, mga gusali at lansangan. Nagkaroon ng malalaking bitak ng lupa kasabay na ang liquifaction at pagguho ng lupa.

Isa sa mga kinikilalang seismically-active areas ang Silangang Mindanao na kinabibilangan ng Surigao del Norte. Malapit ito sa Philippine Fault at Philippine trench na pinagmumulan ng mga lindol. May mga bitak din ng lupa na maaaring pagmulan ng maliliit hanggang sa malalaking pagyanig ng lupa.

Niliwanag din ni Dr. Solidum na walang mga bulkang malapit sa pinagmulan ng lindol.

Idinagdag pa ni Dr. Solidum na maaaring umabot sa isang linggo ang mga aftershock. Maliit na ang posibilidad na magkaroon pa ng mas malaking pagyanig ng lupa sa mga susunod na araw.

Maaaring magkaroon ng mga pagguho ng lupa, paggulong ng mga malalaking bato at mga dalisdis ng mga bundok at burol. Posible ring magkaroon ng liquifaction o pagpasok ng putik at buhangin sa mga dating katatagpuan ng lupa sa mga tabing-ilog. Walang banta ang tsunami sa lindol na naganap sa Surigao City sapagkat nagmula ang lindol sa Philippine Fault. Malaki ang posibilidad na magkaroon ng tsunami kung magmumula ang lindol sa Philippine Trench na nasa silangang bahagi ng lalawigan.

Nanawagan din si Dr.Solidum na kailangang suriin ang mga tahanan at gusaling nagkaroon ng mga bitak. Nararapat ding mabatid kung matibay pa ang mga gusali sa mga susunod na aftershock.

Sa buong bansa, mayrong 92 seismic stations ang Phivolcs. Nababatid kung saan nagmumula, kung gaano kalakas at iba pang katangian ng mga paglindol.

Pinakamalapit na seismic station sa Surigao del Norte ang Surigao City, Bislig City at maging sa Maasin, Southern Leyte, General Luna, Surigao del Norte at Butuan City sa Agusan del Norte.

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>