MAGLALAAN ng dalawang bilyong piso ang pamahalaan para sa relief at rehabilitation sa Surigao del Norte. Ito ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pagdalaw sa Surigao City na niyanig ng 6.7 magnitude na lindol noong Biyernes ng gabi.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni G. Duterte na prayoridad ang mga namatayan, nasugatan at nawalan ng hanapbuhay. Iminungkahi pa ni G. Duterte ang pagkakaroon ngpabahay sa mga biktima ng lindol. May 230 pamilya ang apektado ng malakas na lindol ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office.
Umabot din sa P601.8 milyon ang pinsala sa mga pagawaing-bayan. Isinailalim na ang Surigao City sa "state of calamity."
Aabot sa P 69 milyon ang rehabilitation funding para sa Surigao City na kanibilangan ng mga lansangan at tulay, pag-aayos ng patubig, water system, rehabilitation ng public buildings, pagpapalibing sa mga yumao, pagkain at mga gamot.
Binanggit din ni Pangulong Duterte na malamang na ipasara ang mga minahang nai-rekomenda ni Secretary Regina Lopez. Kasama niyang dumalaw sina Budget Secretary Benjamin Diokno, Transportation Secretary Arthur Tugade, Public Works and Highways Secretary Mark Villar, Trade Secretary Ramon Lopez, Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo, Education Secretary Leonor Briones at Communications Secretary Martin Andanar.