PANGULONG DUTERTE, HANDS-ON SA "PEACE TALKS." Sinabi ni Presidential Peace Adviser Jesus Dureza na tulad ni dating Pangulong Fidel V. Ramos, hands-on din si Pangulong Rodrigo Duterte sa pakikipag-usap ng iba't ibang lupon sa iba't ibang sektor tulad ng CPP/NDF/NPA, MILF. MNLF at maging sa mga Lumad. (Melo M. Acuna)
NANINIWALA si Presidential Adviser on the Peace Process Secretary Jesus Dureza na makakamtan ang kapayapaan sa ilalim ng liderato ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa idinaos na "Tapatan sa Aristocrat," sinabi ni Secretary Dureza na "hands-on" si Pangulong Duterte sa nagaganap sapagkat kaharap ng iba't ibang peace panel ang mga kinikilalang kalaban ng pamahalaan tulad ng Communist Party of the Philippines/New People's Army/National Democratic Front, ang mga Moro Islamic Liberation Front, ang Moro National Liberation Front at ang mas malaking grupo, ang mga Katutubo o indigenous people.
Bagaman, niliwanag ni Secretary Dureza na hindi nararapat sukatin ang nagagawa ng iba't ibang lupon ayon sa timeline.
Nakatakdang idaos ang ikatlong pagpupulong ng Pamahalaan ng Pilipinas at Communist Party of the Philippines/National Democratic Front/New People's Army sa darating na ika-18 ng Enero sa Roma, Italya. Unang itinakda ang pagpupulong sa Norway subalit kinailangang ilipat ito sa Roma sa Italia sa kapal ng yelo sa host country.