|
||||||||
|
||
NAHIGITAN ng mga Filipino mula sa iba't ibang bansa ang personal remittances na naipadalang pabalik sa Pilipinas. Ito ang ibinalita ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa pamamagitan ni Deputy Governor at Officer-In-Charge Diwa Guinigundo.
Umabot sa US$ 2.8 bilyon ang padalang salapi noong nakalipas na Disyembre at mas mataas ng 3.6% kung ihahambing sa naipadalang salapi noong Disyembre ng 2015.
Umabot sa US$ 29.7 bilyon ang naipadalang salapi sa Pilipinas sa buong taon ng 2016 at mas mataas ng 4.9% kung ihahambing sa nakalipas na 2015. Higit ito sa naitayang 4.0%. Lumago ng may 7.6% ang padalang salapi ng land-based workers na may mga kontratang mula sa isang taon pataas na nagkahalaga ng US$ 23.2 bilyon. Ito ang nakapagtakip sa pagbaba ng 3.7% sa remittances ng mga magdaragat at land-based workers na may mga kontratang wala pa sa isang taon. Nakapagpadala sila ng may US$6.1 bilyon.
Tumaas din ang salaping idinaan sa mga bangko noong Disyembre at nakamtan ang halagang US$ 2.6 bilyon na kinakitaan ng 3.6% na karagdagan sa idinaang salapi sa mga bangko noong Disyembre ng 2015.
Ang nangungunang pinagmulan ng salapi noong Disyembre ay ang Estados Unidos, Qatar at Japan. Ang mataas na remittances noong 2016 ay dahil sa US$ 21.3 bilyon transfers mula sa land-based workers na lumago ng 7.6%.
Ang salaping mula sa mga magdaragat ay nabawasan ng 3.8% at umabot lamang sa US$ 5.6 bilyon. Ito ay posibleng dahilan sa kompetisyon mula sa mga magdaragat mula sa East Asia at Eastern Europe.
Ayon kay Deputy Governor Guinigundo, patuloy na tumaas ang padalang salapi sa Pilipinas dahil sa gumagandang ekonomiya sa daigdig. Ang remittances mula sa Middle East ay lumago ng 12.7% dahil sa padalang salapi mula sa Qatar, Kuwait, Oman at United Arab Emirates. Ang padalang salapi ng mga Filipino mula sa Asia ay tumaas din ng 7.4% sanhi ng mga padalang salapi mula sa Singapore, Japan, China at Taiwan.
Nagkaroon din ng dagdag na 3.8% ang padalang salapi mula sa America. Tumaas ang remittances mula sa Estados Unidos ng may 6.2%.
Ang padalang salapi mula sa Europa ay bumagsak ng may 8.4% na nakita sa pagbaba ng cash transfers mula sa United Kingdom dahilan sa depreciation ng pound sterling sa US dollar, sa Italya at Netherlands.
Higit sa 80% ng padalang salapi ang mula sa Estados Unidos, Saudi Arabia, United Arab Emirates, Singapore, United Kingdom, Japan, Qatar, Kuwait, Hong Kong at Germany.
Ang padalang salapi ang dahilan ng masigasig na paggastos ng mga Filipino. Noong 2016, ang personal remittances ang kumatawan sa 8.1% ng gross national income at 9.8% ng Gross Domestic Product.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |