KINONDENA ng Department of Energy ang pananalakay na ginawa ng mga armadong kasapi ng New People's Army sa isang hydropower project sa Lumbayao, Valencia City noong nakalipas na Sabado, ika-25 ng Pebrero.
Sinabi ni Energy Secretary Alfonso Cusi na ang pananalakay na ito'y walang katuturan sapagkat hindi naman isang military installation ang napinsala kungdi proyektong makatutulong sa mga mamamayan. Mababalam ang nakatakdang schedule ng paggawa ng planta.
Ipinaliwanag ni Secretary Cusi na layunin nilang magkakuryente ang mga katutubo at ang malalayong pook sa Mindanao. Isang pinagsanib ng lupon ang mangangasiwa sa pagbabantay sa planta at binubuo ng Department of Energy, Philippine National Police, National Grid Corporation. Armed Forces of the Philippines, National Transmission Corporation, National Electrification Administration at National Power Corporation.
Walang binanggit ang Department of Energy kung gaano ang naging pinsala ng pananalakay.
Sumalakay ang may 20 armadong guerilya ng New People's Army sa 10.6 megawatts na Pulanai Hydroelectric Power Plant na tinutustusan ng Repower Energy Development Corporation at Manila Electric Co. (MERALCO). Layunin nilang mapasinayaan ang planta sa unang bahagi ng 2019.