Itinakda ng Thailand ang pangkalahatang plano sa pag-unlad ng daambakal sa darating na 10 taon. Binabalak nitong ilaan ang 2 trilyong Baht (halos 400 bilyong yuan RMB), para itatag ang di-kukulangin sa 5,000 kilometrong daambakal sa buong bansa.
Ipinahayag Huwebes, ika-9 ng Marso, 2017, ni Arkhom Termpittayapaisit, Ministro ng Transportasyon ng Thailand, na sa kasalukuyan, 2% ang contribution rate ng transportasyon ng daambakal sa GDP. Umaasa aniya ang pamahalaan na pagkatapos ng 5 taon, tataas ang datos na ito sa 5%, at sa 14% naman pagkatapos ng 10 taon.
Sinabi niyang ang teknolohiya ang nagsisilbing hadlang sa pagpapaunlad ng daambakal ng bansa. Sa hinaharap, sa proseso ng pagbi-bid ng mga dayuhang bahay-kalakal sa proyekto ng daambakal ng Thailand, dapat gawing paunang kondisyon ang paglilipat sa bahagi ng teknolohiya, upang mapabuti ang kasalukuyang kalagayan ng teknik sa daambakal ng bansa.
Salin: Vera