Manila — Ginanap nitong Huwebes, Marso 16, 2017, ang seremonya ng pagbubukas ng "Taon ng Kooperasyong Panturismo ng Tsina at ASEAN para sa 2017." Ipinadala ni Premyer Li Keqiang ng Tsina ang mensaheng pambati, at binasa ito ni Pangalawang Premyer Wang Yang ng Tsina.
Ipinahayag ni Wang na ang pagdaraos ng naturang aktibidad ay isang mahalagang bunga ng Pulong ng mga Lider ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) noong nagdaang Setyembre. Ito rin aniya ay isang matagumpay na kooperasyon sa pagitan ng Tsina at mga bansang ASEAN.
Ipinahayag din niya ang kahandaan ng Tsina na magsikap kasama ng mga bansang ASEAN upang mapasulong pa ang kooperasyong panturismo ng dalawang panig.
Dumalo rin sa seremonya ng pagbubukas si Wanda Teo, Kalihim ng Turismo ng Pilipinas. Binasa niya ang ipinadalang mensaheng pambati ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ipinahayag niya ang pag-asang sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kooperasyong Sino-ASEAN sa turismo, madaragdagan ang paghahanap-buhay at pamumuhunan, at mapasulong ang partnership ng dalawang panig.
Dumalo sa seremonya ng pagbubukas ang mahigit 1,000 personahe mula sa mga departamentong panturista ng Tsina, Pilipinas, at mga bansang ASEAN, at mga kinatawan mula sa iba't-ibang sektor.
Salin: Li Feng