Naghahanda ang China National Tourism Administration para itatag ang opisina nito sa Thailand.
Ipinahayag kamakailan ni Zhang Xinhong, namamahalang tauhan sa nasabing paghahanda na magsisilbi ang opisina bilang tulay sa pagitan ng mga sektor na panturista ng Tsina at Thailand.
Inilahad din ni Zhang na isa sa mga pangunahing tungkulin ng bubuuing opisina ay hawakan ang mga pangkagipitang isyu ng mga turistang Tsino sa Thailand, kasama ng mga may kinalamang panig ng dalawang bansa. Aniya pa, layon din ng opisina na ipakilala sa mga mamamayang Thai ang hinggil sa mga yamang panturista ng Tsina.
Noong 2015, 29.9 milyong person-time na dayuhang turista ang naglakbay sa Thailand, at 1.44 trilyong baht ang naging turism revenue. Ito ang naging pinakamataas nitong nakalipas na 10 taon. Kabilang dito, ang Tsina ang pinakamalaking bansang pinanggagalingan ng mga turista sa Thailand. Ayon naman sa Ministri ng Turismo at Palakasan ng Thailand, sa taong 2016, tinayang maaakit ng kanyang bansa ang 32.5 milyong person-time na turistang dayuhan, at lilikha ng 1.5 trilyong baht na kita. Kabilang dito, lalampas sa 10 milyong person-time ang mga turistang Tsino.
Salin/Edit: Jade
Pulido: Mac