Kinumpirma Martes, Marso 28, 2017 ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na inananyayahan ng panig Tsino ang namamahalang tauhan ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas na pumunta sa Tsina sa darating na Mayo para isagawa ang unang pulong ng bilateral na mekanismo ng pagsasanggunian ng dalawang bansa hinggil sa isyu ng South China Sea (SCS).
Ayon kay Hua, naitatag ang naturang mekanismo sa ika-20 round ng diplomatikong pagsasanggunian ng Tsina at Pilipinas na idinaos noong Enero ng taong ito.
Sinabi pa ni Hua na sa susunod na yugto, nakahanda ang Tsina na patuloy na pahigpitin, kasama ng Pilipinas, ang pag-uugnayan at diyalogo, maayos na hawakan ang mga hidwaan at pasulungin ang mga kooperasyong pandagat.
Bukod dito, ipinahayag ni Hua na inananyayahan ng panig Tsino ang delegasyon ng Coast Guard ng Pilipinas na dumalaw sa Tsina sa lalong madaling panahon, para palalimin ang pagtitiwalaan ng dalawang bansa.