Nag-usap kahapon, Miyerkules, ika-5 ng Abril 2017, sa Helsinki, Finland, sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Sauli Niinisto ng Finland. Ipinatalastas nila ang pagtatatag ng dalawang bansa ng bagong kooperatibong partnership na nakatuon sa kinabukasan.
Ipinahayag ni Xi ang pag-asang sa pamamagitan nito, palalakasin ng Tsina at Finland ang pagpapalagayan sa mataas na antas, palalalimin ang estratehikong pagtitiwalaan, at patitibayin ang pundasyong pulitikal ng bilateral na relasyon. Nananalig aniya siyang papasok ang kooperasyon ng dalawang bansa sa yugto ng komprehensibong pag-unlad, at walang humpay na magtatamo ng bagong bunga.
Umaasa naman si Niinisto, na pahihigpitin ang pagpapalagayan ng Finland at Tsina, palalalimin ang kooperasyon, at palalakasin ang pag-uugnayan at pagkokoordinahan sa mga mahalagang isyung pandaigdig.
Ipinahayag din ng dalawang pangulo ang kahandaang palakasin ang kooperasyon ng Tsina at Finland sa loob ng balangkas ng "Belt and Road" Initiative, at kooperasyong Asyano-Europeo.
Salin: Liu Kai