Kinatagpo Mayo 30, 2017 ni Punong Ministrong Prayuth Chan-ocha ng Thailand si Fang Fenghui, Chief of Staff ng Joint General Staff ng Komisyong Militar ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina. Ipinahayag ni Prayuth Chan-ocha ang pagpapahalaga sa tagumpay ng Tsina sa pagsasagawa ng reporma, sa ilalim ng pamumuno ni Xi Jinping bilang Pangkalahatang Kalihim, at pagsisikap ng bansa sa pagpapasulong ng Belt and Road Initiative. Umaasa aniya siyang pag-aaralan ng Thailand ang ideya at karanasan ng Tsina sa pangangasiwa sa estado at pagsasagawa ng reporma, pabibilisin ang ugnayan ng pambansang estratehiyang pangkaunlaran ng Thailand at Belt and Road Initiative, at palalalimin ang pagtutulungan ng dalawang panig sa ibat-ibang larangan. Nakahanda aniya ang kanyang bansa na magsikap, kasama ng Tsina, para ibayong pahigpitin ang pagpapalitan sa mataas na antas, at komprehensibong pagtutulungan ng dalawang hukbo.
Ipinahayag naman ni Fang na nananatiling matatag ang relasyong Sino-Thai, at humihigpit ang pagtitiwalaang pampulitika at pagtutulungan ng dalawang panig sa ibat-ibang larangan. Nakahanda aniya ang Tsina na magsikap, kasama ng Thailand na ibayong palalimin ang komprehensibong pagtutulungan ng dalawang hukbo, para gumanap ng ambag sa pagpapasulong ng relasyong Sino-Thai at pangangalaga ng katatagang panrehiyon.