Kaugnay ng ika-42 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Pilipinas at ika-119 na Araw ng Kalayaan ng Pilipinas, ipinaabot Lunes, Hunyo 12, 2017, ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang mensaheng pambati kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa mensahe ni Pangulong Xi, tinukoy niyang sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Duterte, natamo ng Pilipinas ang malaking tagumpay sa konstruksyon ng bansa, at taos-pusong binati ito ng panig Tsino. Aniya, malalim ang tradisyonal na pagkakaibigan ng mga mamamayan ng dalawang bansa, at sa ilalim ng magkasamang pagsisikap, komprehensibong isinulong ang kooperasyong Sino-Pilipino sa iba't-ibang larangan noong isang taon. Ito ay nakakapagbigay ng aktuwal na kapakanan para sa mga mamamayan ng dalawang bansa, aniya pa.
Ipinagdiinan pa ni Pangulong Xi na bilang kapwa umuunlad na bansa, mayroong komong tungkulin ang Tsina at Pilipinas sa mga aspektong gaya ng pangangalaga sa katatagan ng bansa, pagsasakatuparan ng komong pag-unlad, at pagpapasulong ng kapayapaan at katatagan sa rehiyong ito. Nakahanda aniya ang panig Tsino na magsikap kasama ng panig Pilipino, upang maisakatuparan ang komong pag-unlad at patuloy na makapaghatid ng benepisyo sa mga mamamayan ng dalawang bansa at buong rehiyon.
Salin: Li Feng