|
||||||||
|
||
NAGSIMULA na ang oral arguments kaninang ikasampu ng umaga sa Korte Suprema hinggil sa deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Martial Law sa Mindanao noong nakalipas na buwan. Sinuspinde ganap na ikalabing-dalawa ng tanghali subalit sinimulang muli pagsapit ng ikalawa ng hapon.
Dinirinig ng Korte Suprema ang pinagsanib na mga petisyon mula sa mga mambabatas sa pamumuno ni Albay Congressman Edcel C. Lagman, mga aktibista at mga militanteng mambabatas at apat na babaeng naninirahan sa Marawi City, ang lungsod ng madugong labanan ng mga kawal at Maute Group.
Isinailalim ni Pangulong Duterte ang buong Mindanao sa Martial Law sa loob ng 60 araw matapos sumalakay ang mga Maute noong ika-23 ng Mayo.
Ayon sa mga nagpetisyon, nararapat alisin ang Martial Law sapagkat walang sapat na dahilan.
Ani Solicitor General Jose Calida, hindi mapatutunayan ng mga nagpetisyon na nagkaroon ng pag-abuso ang Pangulo ng Republika sa kanyang ginawa.
Sa panig ni Albay Congressman Edcel C. Lagman, may mga kabulaanan sa basehan ni Pangulong Duterte sa batas militar sa Mindanao. Liliwanagin nila sa Korte Suprema na mayroong mga pagkukulang sa mga dahilan sa deklarasyon.
Ipinaliwanag ni Congressman Lagman kay Associate Justice Mariano del Castillo na walang sapat na dahilan sa deklarasyon at karamihan ay mula sa mga mali, kulang at imbentong mga dahilan.
Tinanong ni Associate Justice Castillo si Congressman Lagman ng kanyang basehan upang sabihing hindi rebelyon ang nagaganap sapagkat hindi naman niya nakikita ang nagaganap sa magulong lungsod.
Ipinaliwanag ni G. Lagman na 'di na kailangan pang magtungo sa Marawi City upang husgahan ang mga basehan ni Pangulong Duterte sapagkat sa mga basehang ginamit pa lamang ang makikita na ang kakulangan at pagkakaroon ng maling dahilan.
Magpapatuloy ang pagdninig hanggang sa araw ng Huwebes, ika-15 ng Hunyo.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |