|
||||||||
|
||
NANINIWALA ang mga naging biktima ng nakalipas na Martial Law mula noong 1972 hanggang sa napatalsik si dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos na hindi madaling limutin ang naganap.
SUGAT NG MARTIAL LAW, 'DI MADALING MAGHILOM. Ito ang sinabi ng dating mamamahayag at mambabatas Satur Ocampo sa idinaos na "Tapatan sa Aristocrat" kaninang umaga. Hindi sapat ang kabayaran sa pinsalang idinulot ng pagpapahirap. Kailangan ding may humingi ng tawad mula sa hanay ng mga Marcos, dagdag pa ni G. Ocampo. (Melo M. Acuna)
Ito ang sinabi nina Ginoong Satur Ocampo, Danilo dela Fuente at Gng. May V. Rodriguez na naging panauhin sa Tapatan sa Aristocrat kaninang umaga. Sariwa pa ang mga sugat na kanilang nakamtan sa kanilang paninindigan para sa Karapatang Pangtao at para sa kalayaan ng bansa mula sa isang diktadurya.
Sinabi ng mga naging panauhin na dumanas sila ng ibayong pahirap sa kamay ng mga kawal ng pamahalaan. Sa panig ni G. dela Fuente, piniga siya ng iba't ibang intelligence groups ng Armed Forces of the Philippines at sa bawat pagtanggap sa kanya ay pahirap ang kanyang naranasan tulad ng paguumpog ng kanyang ulo sa semento, paggamit ng telephone cranker bukod pa sa bugbog na ginawa sa kanya.
Inilahad naman ni G. Ocampo, dating peryodista at mambabatas na sumawa ang mga kawal at opisyal sa pambubugbog sa kanya kahit pa ginamitan din siya ng telephone cranker na nagpapadaloy ng kuryente sa katawan samantalang nakababad ang paa sa tubig.
MALALIM ANG SUGAT NG MARTIAL LAW. Sinabi ni Gng. May Rodriguez ng Bantayog ng mga Bayani Foundation na maraming mga naging biktima ng karahasan ang namamayapa na kaya't kailangang mapanatiling buhay ang malagim na bahagi ng Kasaysayan ng bansa upang huwag nang maulit pang muli. Tinatayang may 3,240 katao ang napaslang noong Martial Law samantalang may 34,000 ang naging biktima ng torture at may 70,000 katao ang nabilanggo. (Melo M. Acuna)
Para kay G. May Rodriguez, nailahad na niya sa Korte Suprema ang kanyang karanasan samantalang nabatid nila sa kanilang Bantayog ng mga Bayani Foundation na karamihan din ng kababaihan ang sumailalim ng pang-aabuso ng mga kawal ng pamahalaan.
Ang nakalulungkot, ani G. Ocampo ay kahit pa sinabi ni G. Marcos na inalis na niya ang Martial Law noong 1981 ay nagpatuloy pa rin ang pag-abuso ng mga kawal hanggang sa mapatalsik siya noong 1986. Sa karanasan ni G. Dela Fuente, lumabas na 1982 na siya nadakip at sumailalim ng torture sa kanyang pagiging labor organizer.
Sa kanilang pahayag, nagpatuloy ang panggigipit sa mga kinikilala nilang kalaban ng pamahalaan kahit pa naluklok na si Gng. Corazon Aquino noong 1986 sapagkat hindi naman pinawalang-saysay ang mga mapanggipit na presidential decrees na akda ni G. Marcos.
Inirekomenda na umano ni dating Senador Jose Wright Diokno na noo'y pinuno ng Presidential Human Rights Commission kay Pangulong Aquino na pawalang-saysay ang mga batas na nanggigipit at nanunupil sa mga karapatan ng mga mamamayan subalit minabuti nilang huwag kumilos sapagkat mayroon pang mga kinikilalang kalaban ng popular na si Pangulong Corazon Aquino.
Ikinasakit ng loob ng grupo nina G. Ocampo ang pagsasabi ni dating Senador Ferdinand Romualdez Marcos, Jr. na tanging salapi lamang ang hinahabol ng mga naging biktima ng karahasan sa ilalim ng Martial Law.
Sa ilalim umano ng administrasyong Aquino nagsimulang kasuhan sila ng common crimes tulad ng illegal possession of firearms at murder. Hindi na sila kinasuhan ng rebelyon sapagkat hindi naman ito mapatutunayan sa hukuman.
Hindi salapi ang kailangan sapagkat hindi maghihilom ang mga sugat na nakamtan kung walang hihingi ng paumanhin sa panig ng mga Marcos.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |