KASUNOD ng travel advisory ng United Arab Emirtas, hindi magsasakay ng Qatari nationals ang Philippine Air Lines patungo sa UAE at mga mamamayan ng UAE na patungo sa Qatar.
Sa isang pahayag, sinabi ng Philippine Air Lines na ito ay pagtalima sa guidelines na inilabas na Abu Dhabi Airport Immigration.
Ang lahat ng UAE nationals o may mga pasaporte ng UAE ay 'di papayagan makapasok sa Qatar o makadaan sa Qatar samantalang ang mga Qatari national o may Qatari passports ay 'di papayagang makapasok sa UAE o dumaan sa mga paliparan ng UAE.
Mayroong direct flights ang PAL patungo sa Abu Dhabi at mayroon ding biyahe patungo sa Doha. Ang lahat ng Qatari diplomats sa UAE ay binigyan ng dalawang araw na umalis sa bansa samantalang ang mga mamamayan ng Qatar ay mayroong dalawang linggo bago lumisan.
Mayroong 30 biyahe ang PAL sa Middle East, pitong beses sa bawat linggo sa Dubai. Apat na ulis sa Kuwait, apat na ulit sa Doha, limang araw bawat linggo sa Dammam, tatlong araw sa bawat linggo sa Jeddah at araw-araw sa Riyadh.