Huwebes, Hunyo 15, 2017, binuksan sa Hanoi, Biyetnam ang 2017 China-ASEAN Expo (CAExpo) Mechanical & Electronic Products Exhibition. Kalahok dito ang 106 na bahay-kalakal ng makinang de-motor ng Tsina.
Ang nasabing 3-araw na eksibisyon ay magkasamang itinaguyod ng Sekretaryat ng CAExpo at Kawanihan ng Pagpapasulong sa Kalakalan ng Ministri ng Industriya at Kalakalan ng Biyetnam. Itinatanghal dito, pangunahin na, ang mga de-kalidad na produkto at modernong teknolohiya sa mga larangang gaya ng makinarya, sasakyang pamtransportasyon, makinaryang agrikultural, makinaryang pangkonstruksyon, elektronikong pang-impormasyon, intelligent consumer electronics at iba pa. Sa panahon ng eksibisyon, idaraos din ang mga espesyal na matching conference ng electronic appliances, bagong enerhiya, pasilidad ng makinarya, at spare and accessory part. Oorganisahin din ang pagbisita ng mga bahay-kalakal sa sonang industriyal ng Biyetnam, at ipagkakaloob ang plataporma para sa pagpapalitan ng mga bahay-kalakal ng makinang de motor ng dalawang bansa.
Salin: Vera