Sa pamamagitan ng 218 boto ng pagsang-ayon at 3 boto ng pag-abstain, pinagtibay Huwebes, Hunyo 22, 2017, ng Legislative Assembly ng Thailand ang "Panukalang Batas sa Pagtatakda ng Pambansang Estratehiya." Batay sa nasabing panukala, itatayo ng bansang ito ang Komisyon ng Pambansang Estratehiya na pinamumunuan ng punong ministro, para itakda ang pangmatalagang estratehiya ng bansa.
Ayon sa panukalang batas na isinapubliko ng Legislative Assembly, bubuuin ng bansa ang isang 35-katao na Komisyon ng Pambansang Estratehiya, at ang Tagapangulo nito ay ang punong ministro. Bukod sa mga opisyal ng pamahalaan na gaya ng ispiker ng mataas at mababang kapulungan, pangalawang punong ministro at mga kinauukulang ministro, ang mga miyembro ng nasabing komisyon ay kinabibilangan din ng pangkalahatang komander ng mga hukbo, komander ng hukbong panlupa, komander ng hukbong pandagat, komander ng hukbong panghimpapawid, mga tagapangulo ng mga samahan ng agrikultura, industriya, komersyo, turismo, at mga beteranong dalubhasa ng mga industriya.
Ang pagtatakda ng 20 taong pambansang estratehiya ay isa sa mga pinakamahalagang patakaran ng pamahalaan ni Prayut Chan-o-cha. Pagkaraang pormal na magkabisa ang nasabing batas, itatakda ng pamahalaan ang pambansang estratehiya batay sa mga prosedyur. Ang nasabing estratehiya ay dapat ding ipatupad ng ihahalal na bagong pamahalaan.
Salin: Vera