Kaugnay ng unang round ng komprehensibong diyalogo ng Tsina at Amerika sa kabuhayan, ipinahayag Miyerkules, Hulyo 19, 2017 ni Lu Kang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina (MFA), na sa diyalogong ito, malalimang tatalakayin ng dalawang bansa ang mga isyu na gaya ng parakaran ng macro-economy, kooperasyon sa negosyo at pamumuhunan, at pangangasiwa sa kabuhayang pandaigdig.
Ito aniya ay para palawakin ang kanilang kooperasyon, maayos na hawakan ang mga hidwaan, at buong sikap na pasulungin ang malakas, balanse at malusog na pag-unlad ng relasyong pangkabuhayan at pangkalakalan.
Ang nasabing diyalogo ay idaraos Hulyo 20, Beijing time (Hulyo 19 sa Washington D.C..)
Sinabi ni Lu na sapul nang itatag ng dalawang bansa ang relasyong diplomatiko nitong 40 taong nakaraan, ang mga natamong bunga ng dalawang panig sa kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ay nagdulot ng mga kapakanan sa kanilang mga mamamayan, maging sa kabuhayang pandaigdig.
Kaugnay ng mga alitan at hidwaan ng dalawang bansa sa kabuhayan at negosyo, sinabi ni Lu na dapat maayos na lutasin ang mga ito sa pamamagitan ng diyalogo at pagsasanggunian sa pundasyon ng pagkakapantay-pantay at paggalang sa isa't isa.