Manila — Isang resepsyon ang ginanap nitong Biyernes ng gabi, Hulyo 28, 2017, sa Embahadang Tsino sa Pilipinas bilang pagdiriwang sa ika-90 anibersaryo ng pagkakatatag ng People's Liberation of Army (PLA). Dumalo rito sina Zhao Jianhua, Embahador ng Tsina sa Pilipinas, Delfin Lorenzana, Kalihim Pandepensa ng Pilipinas, at iba pang opisyal ng dalawang panig.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Wang Xianyun, opisyal militar ng Embahadang Tsino sa Pilipinas, na bilang mahalagang bahagi ng relasyong Sino-Pilipino, bumuti nang malaki ang relasyong militar ng dalawang bansa mula noong isang taon. Aniya, sapul nang bumiyahe si Pangulong Rodrigo Duterte sa Tsina noong nagdaang Oktubre, nagsagawa ang dalawang panig ng mga kooperasyon sa mga larangang tulad ng mataas na antas na pagdadalawan sa isa't-isa, pagdaong ng mga military ships, pagpapalitan ng mga tauhan, edukasyon, at pagsasanay.
Sinabi naman ni Sec. Lorenzana na ang mapagkaibigang diyalogo ng dalawang bansa ay makakapagpalakas sa kanilang pagtitiwalaan sa puwersang pandepensa. Pinasalamatan din niya ang ibinibigay na suporta ng Tsina sa Pilipinas sa pagbibigay-dagok sa droga at terorismo.
Salin: Li Feng