Beijing, Tsina—Nakatakdang idaos ang Ika-9 na Brazil, Russia, India, China at South Africa (BRICS) Summit sa unang dako ng darating na Setyembre sa Xiamen, lalawigang Fujian sa dakong timog ng Tsina. Sa press briefing Lunes, Agosto 28, 2017, sinabi ni Zhang Yansheng, punong mananaliksik ng China Center for International Economic Exchanges na ang gaganaping summit ay lilikha ng ikalawang Ginintuang Dekada ng mekanismo ng BRICS.
Nitong 10 taong nakalipas sapul nang itatag ang BRICS, umabot na sa 23% ang proporsyon ng Gross Domestic Product (GDP) ng limang kasapi ng BRICS sa GDP ng daigdig mula sa 12%; umabot sa 16% ang proporsyon ng kalakalang panlabas ng BRICS sa kabuuang kalakalang pandaigdig mula sa 11% at umabot naman sa 12% ang proporsyon ng puhunang panlabas sa kabuuang puhunang pandaigdig mula sa 7%.
Sinabi ni Zhang na sa susunod na sampung taon, tataas pa ang nasabing mga bilang. Ang tema ng idaraos na summit ay pagpapalalim ng partnership ng BRICS para makalikha ng mas maluwalhating kinabukasan. Inilahad ni Zhang na batay sa nabanggit na tema, ang mga miyembro ng BRICS ay magpapasulong ng kanilang pagtutulungan sa apat na aspekto ng kabuhayan, pangangasiwa sa daigdig, people-to-people exchange, at paghihikayat sa mas maraming bansa na sumapi sa BRICS.
Salin: Jade
Pulido: Mac