Beijing — Sa kanyang pakikipagtagpo nitong Huwebes, Agosto 31, 2017, kay Tea Vinh, Commander ng Royal Cambodian Navy, sinabi ni Chang Wanquan, Kasangguni ng Estado at Ministrong Pandepensa ng Tsina, na nakahanda ang panig Tsino na magsikap kasama ng panig Kambodyano, upang komprehensibong maisakatuparan ang isang serye ng mahalagang komong palagay na narating nila Pangulong Xi Jinping at Punong Ministro Hun Sen, at mapasulong pa ang komprehensibo at estratehikong partnership ng dalawang bansa. Umaasa aniya siyang ibayo pang mapapalakas ng mga hukbong Tsino at Kambodyano ang kanilang pagpapalagayang pangkaibigan at pragmatikong kooperasyon para makapagbigay ng bagong ambag sa pagpapatibay at pagpapasulong ng usaping pangkaibigan ng dalawang bansa.
Pinasalamatan naman ni Tea Vinh ang ibinibigay na tulong ng panig Tsino sa Kambodya sa mahabang panahon. Nakahanda aniya ang kanyang bansa na palakasin ang pakikipagpalitan at pakikipagtulungan sa Tsina.
Salin: Li Feng