|
||||||||
|
||
MADARAGDAGAN ang tulong ng World Bank Group sa mga palatuntunang pangkapayapaan at kaunlaran sa Mindanao bilang bahagi ng tinaguriang "midterm adjustment" sa pakikipagtulungan sa Pilipinas. Ito ay kasunod ng katatapos na "Performance and Learning Review report na ipinasa ng Board of Executive Directors sa pandaigdigang bangko.
Sa isang pahayag, sinabi na ang mas masiglang palatuntunan para sa Mindanao ay sa pamamagitan ng tulong sa pamahalaang mapa-unlad ang kita mula sa pagsasaka, pagsusulong ng programa sa edukasyon, kakayahan at pagkakaroon ng hanapbuhay ng mga kapataan at pagtulong na pagtatayo ng matatag na mga komunidad.
Umabot na sa may 682,000 katao ang nakinabang sa mga pagawaing0bayan at pagkakaroon ng trabaho at pagpapaunlad ng kakayahang magbasa, sumulat at magbilang.
Ayon kay Mara K. Warwick ang country director para sa Brunei, Malaysia, Thailand at Pilipinas, may 36% ng mahihirap sa bansa ang matatagpuan sa Mindanao at pinakamataas ang bilang ng mahihirap sa mga pook na may kaguluhan. Idinagdag pa ni Bb. Warwick, layunin ng bangko na suportahan ang mga programang magpapaunlad sa mahihirap na rehiyon na kinabibilangan ng Marawi City at mga kalapit-pook.
Magtutulungan ang World Bank at Asian Development Bank upang makakuha ng dagdag na tulong mula sa mga kabalikat upang maibangon ang Marawi City. Magkakaroon din ng technical assistance para sa madaliang pagbawi, rehabilitasyon at reconstruction planning para sa Marawi City tulad ng hinihiling ng pamahalaan.
Nakatulong na rin ang World Bank sa programa ng pamahalaang magbabawas sa kahirapan sa bansa kanilang na ang pagkakaroon ng halos 10,000 bagong water connections, may 300 kilometro ng mga lansangan at may 2,000 metro ng mga tulay at pagsasanay ng may 20,000 mga guro at may kakayahan na ring gumabay sa mga kapwa guro sa pagtuturo ng matematika at pagbabasa. Halos dalawang milyong mamamayan ang nakinabang sa mas malinis, ligtas na pamilihan.
Sa susunod na taon, aabot sa may US$ 600 milyon ang maitutulong ng World Bank sa Pilipinas na kinabibilangan ng Metro Manila Flood Management Project, ang unang proyektong tutustusan din ng Asian Infrastructure Investments Bank (AIIB).
Samantala, sa 2019, makararating ang tulong sa US$ 750 mjilyon na magagastos para sa pagsasaka at edukasyon ng mga taga-Mindanao.
Kasama sa World Bank Group ang International Bank for Reconstruction and Development na kilala rin sa pangalang World Bank, ang International Finance Corporation na nakatuon sa private sector sa mga umuunlad na bansa at ang Multilateral Investment Guarantee Agency na naglalaan ng political risk insurance sa mga mula sa pribadong sektor at mga nagpapa-utang.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |