NANAWAGAN ang Malacanang sa Kongreso na payagan si Pangulong Duterte na makipag-usap sa mga Marcos hinggil sa pagsasauli umano ng nakaw na yaman ng pamilya.
Walang detalyes na ibinigay si G. Ernesto Abella hinggil sa negosasyon at kung bakit nais ni Pangulong Duterte na makasama ang Kongreso.
Gagawin umanong propesyunal ang negosasyon at makikita ng madla ang kalalabasan ng mga pag-uusap. Kailangan umano ang basbas ng Kongreso upang matuloy ang negosasyon at magkaroon ng parameters upang maiwasan ang mga puna ng mga kritiko at ng madla.
Magugunitang sinabi ni Pangulong Duterte noong Sabado sa Davao City na kailangan niya ang pagsang-ayon ng Kongreso sapakat ang salaping mababawi ng pamahalaan at kung ano ang detalyes ng alok.
Tumanggi si G. Abella na magpahayag kung itutuloy pa ng pamahalaan ang mga usapin laban sa mga Marcos matapos mag-alok na ibabalik na ang sinasabing ill-gotten wealth.