|
||||||||
|
||
TUMAGAL ng dalawang oras ang ikalawang "State of the Nation Address" ni Pangulong Rodrigo Duterte sa harap ng joint session ng Senado at Kongreso sa Batasang Pambansa complex.
Nabalam ang pagsisimula ng talumpati ng pangulo ng may halos kalahating oras.
Sa kanyang talumpati na dinaluhan nina dating Pangulong Fidel V. Ramos, Joseph Ejercito Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo at ni Chief Justice Ma. Lourdes Sereno at mga kasapi ng diplomatic corps sa pamumuno ni Archbishop Guiseppe Pinto, sinabi ni Pangulong Duterte na magpapatuloy ang kanyang kampanya laban sa illegal drugs.
Niliwanag niyang pinahahalagahan niya ang buhay subalit hindi niya mapababayaang manganib ang buhay ng karamihan ng mga mamamayan dahil sa droga at sa kriminalidad na kaakibat nito. Lalong hindi niya mapababayaang magkahiwalay ang mga kabilang sa pamilya. Nagbanta siya sa mga lalabag sa na hindi sila makaliligtas sa kamay ng batas.
Sa likod ng kaguluhan sa Marawi City at mga pananambang ng mga kabilang sa New People's Army, tuloy pa rin ang pagtahak ng pamahalaan sa daan tungo sa kapayapaan. Inamin niyang dumarating din ang panahong naiisip niyang hindi makakamtan ang kapayapaan sa kanyang panunungkulan subalit isusulong pa rin niya ang layuning ito sa ibang paraan sa pagtatapos ng kanyang liderato.
Ang pagpasok ng mga ISIS ay isang malaking balakid sa kapayapaan. Ipinaliwanag niyang kailangan ang deklarasyon ng Martial Law noong nakalipas na Mayo sapagkat ito ang paraan upang madaliang masugpo ang paghihhimagsik ng mga armado at mapigilan ang pagkapinsala ng iba't ibang bahagi ng Mindanao. Napigilan din umanong makalusot ang mga kalaban ng pamahalaan sa pagsama sa mga sibilyang lumilikas. Kailangang pigilin ang pagbabahagi ng mga ISIS at Maute ng kanilang doktrina ng galit sa kinauukulan.
Suportado niya ang mga kawal at pulis, ang mga naghahandog ng buhay sa layuning mapanatili ang kapayapaan, Kailangan ng mga taga-marawi ng tulong. Kung hindi umano matutulungan ang mga mahihirap, lalong magkakaroon ng dahilan ng pag-aaklas laban sa pamahalaan.
Sa ganitong pagkakataon, kailangang mapalakas at magkaroon ng mga kagamitan ang mga kawal at pulis upang masugpo ang mga terorista.
Nanawagan siya sa Kongreso na ipasa ang National Land Use Act sa pinakamadaling panahon. Nanawagan din siya sa mga kumpanya ng minahan na ayusin ang kanilang mga napinsalang kapaligiran at makakapamili sila, ang pag-aayos ng pinsalang idinulot ng pagmimina o papatawan ng matataas na buwis upang makalikom ng salaping maibibigay sa mga apektadong komunidad.
Binanggit din niya ang pagmiminang nagaganap sa Diwalwal na nakapipinsala ng kapaligiran. Bagama't nakapag-aambag ang minahan ng P 70 bilyon sa bawat taon, niliwanag ng pangulo na maliit ito sa pinsalang naidudulot ng pabayang industriya.
Sa gitna ng kanyang talumpatil, sinabi ni Pangulong Dutgerte na nagdududa siyang hindi makakatapos ng kanyang susunod na limang taon.
Nanawagan din siya sa madla ng maghanda sa anumang trahedya tulad ng malakas na lindol na maaaring tumama sa Metro Manila. Kailangan ding maipasa ang panukalang batas upang makatugon ng daglian sa anumang trahedya sa Metro Manila.
Ipinagtanong niya kung saan siya lalagay sapagkat binatikos siya ni Pangulong Barack Obama sa kanyang kampanya laban sa illegal drugs subalit pinuri naman ni Pangulong Donald Trump.
Kailangan ding ibalik ang parusang kamatayan, dagdag pa ni G. Duterte sapagkat ito ang magiging babala sa sinumang lalabag sa krimen.
Binatikos din niya ang National Democratic Front na dating mga kaibigan subalit umaabuso na umano. Naambush ang kanyang Presidential Security Guards sa Cotabato. Mabuti na lamang umano't matatag ang bullet-proofing ng kanyang sasakyan. Hindi raw batid ng mga NPA na wala na siya sa pook ng magandan ang ambush.
Pinuna rin niya ang nagtatag ng Communist Party of the Philippines na si Jose Maria Sison sa kakulangan ng liderato sapagkat walang pinatutunguhan ang pag-uusap.
Binanggit ni Pangulong Duterte na mayroong tactical alliance ang mga NPA at mga rebeldeng Muslim. Kung magwawagi umano ang ISIS, tiyak na walang kalalagyan ang mga Komunista.
Pinasalamatan din niya ang Tsina sa pagluluwag at pagbabawas ng tensyon sa South China Sea kasabay ng pagpapasalamat kay Ambassador Zhao Jianhua sa tulong sa mga palatuntunan ng pamahalaan tulad ng dalawang tulay na tatawid sa Pasig River.
Nanawagan siya sa mga Americano na isauli na ang mga batingaw ng Balanggiga na tinangay ng mga Americano noong Philippine – American War.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |