Ayon sa press release Miyerkules, Setyembre 6, 2017 ng Ministring Panlabas ng Cambodia, nagdaos ng briefing Linggo, Setyembre 3 si Ministrong Panlabas Prak Sokhonn hinggil sa pagdakip kay Kem Sokha, lider ng Cambodia National Rescue Party (CNRP), partido oposisyon, sa mga sugo at organong dayuhang nakatalaga sa bansa.
Sa briefing, ini-ere ang video clip bilang katibayan ng pagtataksil sa bansa ni Kem Sokha, kasama ng mga tagasuporta.
Ayon sa video clip na ini-post sa Facebook ng Cambodian Broadcasting Network (CBN) na nakabase sa Australia, sinabi ni Kem Sokha sa kanyang mga tagasuporta sa Australia noong Disyembre 8, 2013 na sinunod niya ang kautusan ng Estados Unidos para gumawa ng plano na pabagsakin ang lehitimong pamahalaan ng Cambodia.
Ilang oras makaraang ilabas ang nasabing video, alas 00:35 madaling araw, Setyembre 3, inaresto ng kapulisan ang nasabing lider oposisyon sa kanyang tahanan sa Phnom Penh, ayon sa Criminal Code ng Cambodia.
Ipinagdiinan ni Prak Sokhonn na may karapatang legal si Kem Sokha na magkaroon ng abogado. Hiniling din niya sa mga sugo at organong dayuhan na manatiling walang-kinikilingan sa isyung ito at igalang ang mga batas ng Cambodia.
Salin: Jade
Pulido: Mac