Nanning, Tsina—Ipinahayag ni Punong Ministro Hun Sen ng Cambodia ang kahandaan ng kanyang bansa na mas aktibong lumahok sa magkakasamang pagpapasulong ng Belt and Road Initiative para sa komong kaunlaran.
Ito ang ipinahayag ni Hun Sen sa kanyang paglahok sa Ika-14 na China-ASEAN Expo (CAExpo) na idinaraos sa Nanning, punong lunsod ng Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Guangxi sa dakong timog-kanluran ng Tsina, mula Setyembre 12 hanggang Setyembre 15, 2017.
Idinagdag pa ni Hun na sa ilalim ng balangkas ng nasabing inisyatiba, sinimulan na ng Tsina at Cambodia ang konstruksyon ng Phnom Penh-Sihanoukville Expressway at bagong paliparan sa Siem Reap, dalawang pangunahing proyektong pangkooperasyon ng dalawang bansa.
Inaasahan aniya ng Cambodia ang pagsasakatuparan ng konektibidad na panghimpapawid, panlupa at pandagat sa Tsina, sa hinaharap.
Salin: Jade