|
||||||||
|
||
NAPASLANG sa isang military operation sina Isnilon Hapilon ng Abu Sayyaf Group at Omar Maute, isa mga pinuno ng Maute Group. May tatlo pang napaslang sa sagupaan subalit 'di pa nakikilala.
Sa kanyang pagharap sa mga mamamahayag bago sumapit ang katanghalian, sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na kumpirmado niya ang pagkakapaslang sa dalawang lider ng mga armadong sumalakay sa Marawi City noong ika-23 ng Mayo, samantalang nasa Moscow, Russia si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Secretary Lorenzana, nakatakda sana silang magtungo sa Marawi City ni Pangulong Duterte kaninang umaga subalit pinayuhan sila ng mga military commander sa pook na magsasagawa sila ng operasyon laban sa mga Maute.
Nabawi rin ng pamahalaan ang may 17 hostages. Nabatid ng mga militar ang kinalalagyan ng dalawang lider mula sa isang hostage na nakapanayam ng mga kawal.
Samantala, sinabi ni General Eduardo Ano, chief of staff ng Armed Forces of the Philippines na nakapaslang pa ang mga kawal ng Pilipinas ng tatlong kabilang sa mga armadong Maute.
Tumangging magbigay ng iba pang detalyes si Secretary Lorenzana sapagkat nakatuon ang kanilang pansin sa kinikilalang "high value targets."
Hinahanap pa ng pamahalaan ang isang Dr. Mahmud, isang PhD sa larangan ng Engineering na sumama sa Abu Sayyaf Group noong 2014. Isang dating propesor sa isang pamantasan sa Malaysia kinikilalang "most wanted man" sa kanyang bansa. Nakipag-alyansa si Dr. Mahmud kay Isnilon Hapilon ng Abu Sayyaf.
Mayroon ding nakalaang pabuya sa sinumang makakadakip kay Dr. Mahmud ayon sa diplomatic sources ng tagapagbalitang ito.
Idinagdag pa ni Secretary Lorenzana na maaaring magdeklara na sila ng pagtatapos ng mga operasyon sa Marawi City sa linggong ito.
Niliwanag niyang sasailalim ang mga labi sa DNA tests sapagkat may nakalaang pabuya sa dalawang napaslang. May P 5 milyon at P 10 milyon sa pagkakadakip kina Maute at Hapilon. Mayroon ding nakalaang US$ 5 milyon para kay Isnilon Hapilon. Mayroon pa ring 21 hostages sa kamay ng mga Maute.
Sa tanong kung mapuputol na ba ang Martial Law sa Mindanao sa pagkakapaslang kina G. Maute at Hapilon, sinabi ni Secretary Lorenzana na masusi nilang pag-aaralan ang mga magaganap bago magrekomenda sa Pangulo ng anumang nararapat gawin.
Magugunitang pumayag ang House of Representatives na habaan ang Martial Law hanggang sa ika-31 ng Disyembre ng taong ito.
Naghahanda na rin sila sa posibleng pagganti ng mga Abu Sayyaf. Sumalakay ang Maute group sa Marawi City noong ika-23 ng Mayo, 2017.
Sa isang press briefing, sinabi ni General Ano na mayroon pang walong banyagang nasa panig ng Maute na kinabibilangan ng Dr. Mahmud na isang PHD degree holder sa larangan ng Engineering.
Samantala, sinabi ng isang diplomata na most wanted person sa Malaysia si Dr. Mahmud.
Mayroon pang hanggang 30 mga teroristang kabilang sa Maute Group subalit kinikilala na ng Armed Forces of the Philippines bilang mga "stragglers.
Personal na nakita ni General Año ang mga labi at tiniyak na gagawaran ng libing ng mga Muslim.
Matapos ang 146 na araw ng mga sagupaan, umabot na sa 834 terorista ang napaslang. Napaslang ang 47 sibilyan. Nawalan ang pamahalaan ng 160 mga mga tauhan sa mga naganap na mga sagupaan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |