SINABI ni Armed Forces of the Phililippines Chief General Eduardo Ano na nag-alok ng milyun-milyong piso ang napaslang na si Isnilon Hapilon kapalit ng pagkakalikas mula sa Marawi City.
Nag-alok ng salapi si Hapilon sa sinumang makapagbibigay ng bangkang masasakyan at makapagsisilbing gabay sa paglabas sa Marawi City. Ani General Año, nangako naman silang 'di papayagang makalabas ng buhay ang terorista sa Marawi City.
Ang mga kawal mula sa Army Scout Ranger Regiment at iba pang special forces ang nakapaslang kay Hapilon sa pamamagitan ng tama sa dibdib at kay Omar Maute sa pamamagitan ng tama sa ulo.
Nagtatago ang mga nalalabing Maute sa isang gusali sa may daungan at kikilalanin na lamang na law enforcement operation ang gagawin. Titiyakin ng mga kawal na madakip ang mga nalalabing kasama ng Maute. Wala na umanong peligrong maidudulot ang nalalabing tauhan ng mga maute. Hanggang kahapon, umabot n asa 847 ang napaslang na terorista, may 163 kawal at 47 mga sibilyan ang nasawi sa mga sagupang nagsimula noong nakalipas na ika-23 ng Mayo.