|
||||||||
|
||
SINABI ni Pangulong Rodrigo Duterte na ligtas na ang Marawi City sa panganib na dulot ng mga terorista.
Ito ang buod ng kanyang talumpati sa harap ng mga kawal sa Marawi City kaninang hapon. Sa gitna ng kanyang talumpati, narinig pa rin ang alingawngaw ng mga sandata sapagkat nagpapatuloy pa ang paghahanap sa nalalabing mga tauhan ng Maute.
Ginawa ang deklarasyon isang araw matapos mapaslang sina Isnilon Hapilon ng Abu Sayyaf Group at Omar Maute, isa sa mga pinuno ng Maute Group na sumalakay sa Marawi City noong nakalipas na Mayo 23.
Nagpapatuloy ang clearing operations upang mawala ang mga bombang iniwan ng mga Maute samantalang tuloy ang paglilinis ng mga sanidad sa paligid ng Marawi City upang masimulan ang pagtatayo ng mga gusali at iba pang pasilidad.
MGA HEAVY EQUIPMENT MULA SA TSINA, DUMATING NA. Ibinalita ni Public Works and Highways Secretary Mark A. Villar na dumping na sa Iligan City ang mga heavy equipment mula sa Tsina na gagamitin sa paglilinis at pag-aayos ng mga napinsalang dusali at pasilidad sa Marawi City. (DPWH Photos)
Sinabi naman ni Public Works Secretary Mark A. Villar na dumating na ang mga heavy equipment mula sa Tsina. Ibinaba ng barko sa daungan sa Iligan City ang mga heavy equipment na kinabibilangan ng mga bulldozer at excavator. Saklaw ng Emergency Humanitarian Assistance Program ng Tsina ang tulong na ipinadala sa Pilipinas.
May mga traktora din at may isang containerized van.
Nangako naman ang World Bank na tutulong sa Pilipinas sa pagbangon ng Marawi City. Ito ang pangako ni World Bank chief executive officer Kristalina Georgieva na magagamit ng bansa ang pagkadalubhasa ng kanilang tanggapan sa pagbangon ng mga napinsalang pook.
Ito ang kanyang sinabi kay Finance Secretary Carlos Dominguez III na nakipagpulong sa kanya sa Washington. Kasama niya sa pulong sina Foreign Secretary Alan Peter Cayetano at si Socio-Economic Planning Secretary Ernesto Pernia. Dumalo rin sa pulong si World Bank country director for Brunei, Malaysia, Thailand at Pilipinas Mara Warwick.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |