|
||||||||
|
||
MANANATILI sa Senado ang pinuno ng Aegis Juris fraternity matapos tumangging sumagot sa mga tanong ng mga senador na nagsisiyasat sa pagkasawi ng isang mag-aaral noong nakalipas na buwan.
Isinailalim sa contempt charges si Arvin Balag, ang sinasabing pinuno ng fraternity na sinalihan ni Horacio "Atio" Castillo na nasawi sa initiation rites.
Nabatid na pinuno ng fraternity si Balag sa organizational chart na nagmula sa Manila Police District. Tumangging sumagot sa mga tanong at ginamit ang kanyang karapatan laban sa self-incrimination nang tanungin ng mga senador kung siya nga ang pinuno ng fraternity.
Nang tanungin kung handang magbahagi ng kanyang DNA samples upang patunayang wala siya sa pook ng maganap ang hazing, tumanggi ring sumagot ang saksi.
Ipinaliwanag ni Balag na hindi siya sumagot sa mga tanong sapagkat nangangamba siyang gagamitin laban sa kanya ang kanyang magiging pahayag. Kung aalisin ang contempt charges laban sa kanya, handa umano siyang sumagot. Inamin niyang kasapi siya ng fraternity.
Binalaan ni Senador Panfilo Lacson si Balag na ipapipiit sa Pasay City jail kung patuloy niyang tatanggihan ang mga tanong ng mga kapwa niya mambabatas. Nagdesisyon ang mga senador na madetine na lamang ang pinuno ng fraternity sa Senado.
Umabuso umano sa kasasagot at kagagamit ng right against self-incrimination si Balag.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |