Nang kapanayamin Biyernes, Oktubre 20, 2017 ng China Radio International (CRI), ipinahayag ni Vandee Boutthasavong, Embahador Lao sa Tsina, na talagang mabisa ang mga gawain ni Pangulong Xi Jinping sa pangangasiwa sa mga pambansang isyu.
Bukod dito, mataas niyang tinasa ang mga natamong bunga ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) nitong nakaraang limang taon.
Sinabi niyang sa ilalim ng pamumuno ni Xi, natamo ang malaking pag-unlad ng Tsina sa kabuhayan, pulitika, lipunan, depensa at pamumuhay ng mga mamamayan. Aniya pa, ang mga natamong karanasan ng Tsina sa pambansang pag-unlad ay nagkaloob ng mainam na karanasan para sa pag-unlad ng mga bansa sa daigdig, lalo na ng Laos.
Kaugnay ng idinaraos na ika-19 na Pambansang Kongreso ng CPC sa Beijing mula ika-18 hanggang ika-23 ng Oktubre, sinabi niyang matama niyang sinusubaybayan ang patakarang panlabas ng Tsina sa mga karatig na bansa. Sinabi rin niyang nitong limang taong nakalipas, ang mga patakarang panlabas ng Tsina sa mga karatig na bansa ay nagbigay ng malaking ambag para sa kapayapaan at kaunlaran ng rehiyon at buong daigdig. Ang mga ito aniya ay nagpapakita ng pagsisikap ng Tsina para pangalagaan ang kapayapaang pandaigdig at pasulungin ang pag-unlad ng buong daigdig.
Bukod dito, sinabi niyang sa ilalim ng balangkas ng "Belt and Road" Initiative, naging mas mahigpit ang kooperasyon ng Laos at Tsina.