Beijing, Miyerkules, Oktubre 18, 2017—Binuksan dito ang Ika-19 na Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina (CPC). Sa kanyang panayam sa China Radio International (CRI), ipinahayag ni Vichit Xindavong, Pangalawang Tagapangulo ng Komisyon ng Kooperasyong Sino-Lao at dating Embahador ng Laos sa Tsina, na ang target ng pag-unlad at patakarang diplomatiko na itinakda ng nasabing pambansang kongreso ay magbubunsod ng positibong epekto sa pag-unlad ng Laos, maging ng buong daigdig.
Aniya, bilang isang responsableng bansa, iginigiit ng Tsina ang pagtahak sa landas ng mapayapang pag-unlad, at tinututulan nito ang hegemonismo at power politics. Gumawa aniya ang Tsina ng mahalagang ambag para sa pangangalaga sa kapayapaan ng rehiyon at daigdig.
Dagdag pa niya, ang Laos at Tsina ay kapuwa sosyalistang bansa, at magkahawig ang kanilang ideyang pangkaunlaran. Aniya, ang target ng pag-unlad at patakarang diplomatiko na iniharap ng Ika-19 na Pambansang Kongreso ng CPC ay maglalatag ng bagong pundasyon para sa pagpapasulong sa komprehensibo, estratehiko at kooperatibong partnership ng dalawang bansa. Magbubunga rin aniya ito ng positibong epekto sa mapayapang pag-unlad ng buong mundo.
Salin: Vera